FLAG City, Imus –”Please process your application for renewal of business permits the earliest time possible to avoid the rush and payment of penalties.”
Ang panawagan sa maagang pagpoproseso at pagbabayad ng permiso sa negosyo ay inihayag ni City Mayor Emmanuel L. Maliksi matapos ang pagtataas ng pambansang bandila sa Gen. Licerio Topacio City Plaza nitong nakaraang Lunes na sinaksihan ng madla at ng mga opisyal at mga kawani ng pamahalaang lungsod.
Kasunod nito, inatasan ni Maliksi ang mga kawani ng mga opisinang may kinalaman sa pagpoproseso ng permiso na palawigin ang oras ng trabaho upang maasikaso ang maraming kliyenteng magre-renew ng kanilang business permit.
Nabatid na hanggang Enero 21 lamang ang pagtanggap at pag-aayos ng mga dokumento sa renewal ng permiso sa negosyo.
“Pakiusap ko po sa ating mga minamahal na businessmen, agahan po natin ang pagre-renew (ng business permit) ngayong 2013 … may penalty po kayong babayaran kung male-late kayo,” paliwanag ni Maliksi.
Sinabi ni Miss Jasmin Ramos, hepe ng city Business Permits and Licensing Office (BPLO) na may multang aabot sa 25 porsiyento, bukod ang iba pang bayarin kada buwan sa mga huling maghaharap ng kahilingang mabigyan uli ng permiso sa negosyo.
Nang tanuning ng mga reporter kung palulugitan ang mga araw para mabigyan ng renewal ang mga huling magbabayad ng permit, sinabi ng alkalde na depende sa magiging rekomendasyon ni Ms. Ramos.
“Siyempre po, depende sa dami ng magre-renew, malalaman po natin ito, ayon sa rekomendasyo ni Ms.Ramos,” sabi ni Maliksi.
Pinaalalahanan ni Ms. Ramos ang mga magre-renew ng permiso na dalhin ang orihinal na kopya ng 2012 business permit para maging mabilis ang pagpoproseso ng bagong pahintulot sa negosyo.
Noon pang nakaraang linggo, iniutos ng alkalde na maglagay ng mga mesa, upuan at tolda sa harap at sa loob ng bulwagan ng city hall para maliksing maasikaso ang mga kliyente at maging maginhawa ang mga aplikante habang pinoproseso ang kanilang business permit.
Makakuha ng application forms sa opisina ng BLP0 sa ground floor ng city hall. /City of Imus Information Services.
page 11 -
No comments:
Post a Comment