BLG.

Cavite Expose │ TAPAT, MATINDI SA BANAT │ PCSO Lotto ResultsFOREX SMTop MoviesABOUT USHeadline MakersArchivesAdvertise with Us
ARCHIVES Vol.10 Blg. 12 Vol. 10 Blg. 13 │ Vol. 10 Blg. 14 │ Vol. 10 Blg. 15 │ Vol. 10 Blg. 16 │ Vol. 10 Blg. 17 │ Vol. 10 Blg. 18 │ Vol. 10 Blg. 19 │ Vol. 10 Blg. 20 │ Vol. 10 Blg. 21 │ VOL. 10 BLG. 28

Labis na Katabaan, Iwanan na sa Taong Nagdaan


KAPAG nag-uumpisa ang taon ay hindi nawawala sa mga new year’s resolutions ang pagpapapayat  at pagpapaganda  ng hubog ng katawan.

Sa dami ng mga handaang naranasan natin nung nagdaang kapaskuhan at bagong taon ay di kataka- takang marami rin sa atin ang tumaas ang timbang.

Marahil para sa mga may katamtamang timbang hindi ito magiging suliranin ngunit sa mga taong may mataas ng timbang ito ay mauuwi lamang sa labis na katabaan o yaong tinatawag na “obesity”.

Ang obesity ay isang kondisyong dulot ng sobrang dami ng tabang  naiipon  sa katawan.

Ito ay ang pagkakaroon ng timbang nang higit sa 20% ng rekomendadong itinalagang normal na  timbang.

Ito ay itinuturing na isang epidemyang lumalaganap sa buong mundo at isang suliraning hindi  lamang dahil sa panlabas  na kaanyuan kundi dahil sa mga napatunayang kaakibat nitong panganib  sa ating kalusugan tulad ng:
• Diabetes

• Mataas na presyon
• Stroke
• Atake sa puso
• Kanser (colon, apdo, prostate, suso, matris)
• Bato sa apdo (Gallstones)
• Rayuma (Osteoarthritis at Gouty Arthritis)
• Problema sa paghinga habang natutulog
• Pag-akyat ng asido sa tiyan pataas sa bahagi ng dibdib
• Hindi normal na regla at mga suliraning may kinalaman sa pagkabaog (infertility)
• Mabagal na paggaling ng mga sugat sa katawan

Ito rin ay ang itinuturing na pangalawa sa paninigarilyo bilang nangungunang dahilan ng kamatayang  dapat sana’y maiiwasan.

Maliban sa mga nabanggit ay may malaki ring epekto ito sa emosyonal na aspeto sapagkat ang mga  taong “obese” ay kalimitang  nakararanas ng pangungutya  dahil  sa deskriminasyon lalo na kapag  naghahanap ng trabaho.

Ito marahil ay sa kadahilanang kaakibat ng ganitong timbang ang  paniniwalang sila’y tamad at  walang disiplina sa sarili.

Nararapat  ring malaman na ang kalagayang ito ay namamana sapagkat kalimitang ang mga batang sobrang taba ay may mga magulang ring ganito ang kundisyon.

Ito ay dulot ng kawalan ng ehersisyo, maling pagkain, di aktibong pamumuhay at kung minsan ay  dulot ng mga suliranin sa buhay.

Ang isang taong may problema ay sinasabing lumalakas kumain sapagkat ito ay nagdudulot ng paglalabas sa utak ng kemikal na natural na nagdudulot ng masayang pakiramdam.

Nakababahala rin ang pagdami ng mga kabataang nagiging “obese” at narito ang mga itinuturong  dahilan:
•  Labis  na panonood ng TV at pagharap sa computer
• Kakulangan ng ehersisyo at sports
• Mga larong hindi nangangailangan ng pisikal na aktibidad tulad ng “xbox”, “gameboy” at  “playstations”
• Mga anunsyong nanghihikayat ng mga pagkaing mataas sa kolesterol at asukal
• Paglaganap ng mga kainan na tinatawag na “fast-food chains”
• Pagbibigay ng pagkain bilang pabuya sa kabutihang nagagawa ng bata

Narito ang ilang rekomendasyong makakatulong upang maiwasan ang labis-labis na timbang:
• Maglaan ng oras upang ang buong pamilya ay magkaroon ng pisikal na aktibidad habang  naglilibang tulad ng paglalakad sa liwasan o pamimisikleta.
• Maglaan ng mga gawaing-bahay sa lahat ng myembro ng pamilya at ibahin ito bawat linggo upang hindi mabagot sa paggawa nito.
• Hikayatin ang inyong anak na makibahagi sa sports.
• Magkaroon ng limitasyon sa panonood ng TV at pagharap sa computer.
• Kumain ng sabay-sabay sa hapag-kainan sa tamang oras.
• Maghanda ng masustansyang pagkain sa meryenda tulad ng prutas at pasas.

Paano ito Malulunasan? Iba’t ibang paraan ang mapagpipilian upang mabawasan ang timbang.

May mga gamot na tulad ng Sibutramine (Reductil) na nakapagpapabawas ng gana sa pagkain at  Orlistat (Xenical) na humaharang sa taba upang hindi pumasok sa sistema ng katawan.

Ang inyong doktor ang magsasabi ng tamang gamot para sa inyo.

Maaari rin namang piliin ang ilang operasyon tulad ng pagpapasikip sa tiyan upang mabawasan ang dami ng pumapasok na pagkain.

Nangangailangan rin ng malaking suporta sa pamilya upang masolusyunan ito. Nararapat tandaan na  ang mga magulang ay may malaking impluwensya sa mga pagkaing pinipili ng kanilang anak.

Oo nga’t maraming mapagpipiliang paraan upang magbawas ng timbang subalit ang  pinakamahalagang aspeto ay nakatutok sa ehersisyo at tamang pagkain. Inirerekomenda rin ang mga sumusunod:
• pagkakaroon ng maililiit na subo kapag kumakain
• matagal na pagnguya sa pagkain bago ito lunukin
• pag-iwas sa mabilis na pagkain sa pamamagitan ng pagbababa sa kubyertos sa bawat pagsubo
• at pagiging maalam sa pagbabasa ng pabalat ng mga binibiling pagkain upang malaman kung ano  dito ang nagtataglay ng tamang nutrisyon para sa inyo.

Tunay ngang ang mga taong “obese” ay hindi dapat kutyain. Sa halip, sila ay nararapat na tulungan lalo na kung ito ay isa sa inyong mahal sa buhay.

Kung sila ay tunay na mahal ninyo ay huwag pagbigyan ang kanilang mga hilig sa pagkain at sa halip ay tulungan sila tungo sa isang malusog na pangangatawan .
page 05 -  CAVITE HEALTH WATCH

"Labis na Katabaan, Iwanan na sa Taong Nagdaan by: EDWIN POBLETE, M.D.│ Operation Eposé VOL. 10  BLG. 28 ENERO 13-19, 2013  

No comments:

Post a Comment