BLG.

Cavite Expose │ TAPAT, MATINDI SA BANAT │ PCSO Lotto ResultsFOREX SMTop MoviesABOUT USHeadline MakersArchivesAdvertise with Us
ARCHIVES Vol.10 Blg. 12 Vol. 10 Blg. 13 │ Vol. 10 Blg. 14 │ Vol. 10 Blg. 15 │ Vol. 10 Blg. 16 │ Vol. 10 Blg. 17 │ Vol. 10 Blg. 18 │ Vol. 10 Blg. 19 │ Vol. 10 Blg. 20 │ Vol. 10 Blg. 21 │ VOL. 10 BLG. 28

Hen. Artemio Ricarte y Garcia 1866-1945 "EL VIBORA"

Si Artemio Ricarte ay hindi taal na Caviteño ngunit nanirahan at nakipaglaban sa panahon ng himagsikan sa  Cavite.


Siya ay ipinanganak noong ika-20 ng Oktubre taong 1866. Siya ay ikalawa sa tatlong anak nina Esteban Ricarte y Faustino at Bonifacia Garcia y Rigonan.


Ang kanyang dalawang kapatid ay si Sixto at Iluminada. Ang mga magulang ni Artemio ay mahirap, ngunit ang kahirapan iyon ay hindi hadlang upang hindi makapagtapos ang tatlong anak. Si Artemio ay nagaral sa  kanilang bayan at nakapagtapos ng elementarya at sekondarya. 

Siya at ang kanyang kapatid na lalaki ay pinapunta sa Maynila upang ipagpatuloy ang pag-aaral. Sa gulang  na 15 siya ay nag-aral sa kolehiyong pinasukan ng kanyang kapatid na si Sixto sa San Juan de Letran, pagkalipas ng 5 taon siya ay nakapagtapos ng degree of Bachelor of Arts.

Noong 1889 si Artemio ay nagpatuloy ng pag-aaral at pumasok sa Escuela Normal sa Ermita, Maynila. At nang sumunod na taon 1890 ay tinanggap niya ang titulong “Maestro Instruccion Primaria” at pinadala siya kaagad sa bayan ng San Francisco de Malabon, sa probinsiya ng Cavite (ngayon ay General Trias, Cavite).

Sa loob ng anim na taong pagtuturo sa San Francisco Malabon may mga okasyon na siya’y pinapapurihan  ng mga lokal na awtoridad at mga opisyal ng probinsiya na sa kanya ay nakikipagtulungan. Na pati ang mga  kalapit bayan ay nagbigay pugay din sa kanyang mga ginagawa.


Siya ay umanib sa Katipunan at kasapi ng balangay Mapagtiis sa San Francisco Malabon ay may taguring  “Vibora” na ang ibig sabihin ay ahas na tinutukoy sa ebanghelyo ni San Mateo. 

At noong 31 ng Agosto 1896 ika-10 ng umaga sa San Francisco Malabon na may Rebolusyonaryong pangalan na Mapagtiis, isang paghihimagsik ang naganap nakuha nina Artemio ang punong himpilan ng mga kastila at ang mga kastila ay kanilang naging mga bilanggo. 

Sumunod ang pag-aalsa sa Noveleta sa pamumuno ng Alvarez at pagkatapos ay sa Kawit ng mga  Aguinaldo. Noong maganap ang halalan sa Tejeros upang magtatag ng isang rebolusyonaryong pamahalaan noong Marso 22, 1897, si Artemio ay nahalal bilang Kapitan Heneral. Isa rin siya sa lumagda sa Acta de Tejeros at Kasunduang Pangmilitar sa Naik ni Andres Bonifacio.

Sa ikalawang yugto ng rebolusyon siya ay naatasan pamunuan ang ikalawang sona sa Maynila. Siya ay kasama rin ni Heneral Mariano Trias sa pakikipaglaban sa Timog, Luzon. Si Artemio ay nadakip ng mga Amerikano sa paanan ng Tulay ng Paco, Maynila noong Hulyo 1, 1900 at naging bihag at ikinulong sa  Punong Himpilan ng mga Amerikano sa kalye Anda, Intramuros, Maynila. Siya at iba pang bihag ay  ipinatapon sa isla ng Guam sa loob ng dalawang taon. Marami sa kanilang kasama ay sumumpa na sa  bandilang Amerikano. Ngunit si Artemio at Apolinario Mabini ay hindi sumumpa at nananatili sa bilangguan  ng Asan, Angaña, Guam. 


At noong Pebrero 1903 si Mabini at Artemio ay isinakay sa “Thomas” isang U.S. Army transport upang  ibalik sa Maynila. Ngunit noong nasa baybayin ng Maynila sila ay “pinasusumpa sa bandila ng mga Amerikano at dahil sa taglay na karamdaman ni Mabini siya ay nanumpa na. 

Si Artemio ay hindi, kaya’t siya ay isinakay sa isang steamboat na “Galic” ang pangalan upang ipatapon sa   Hongkong.  Sa Hongkong niya napag-isipan ang pagtatatag ng isang hiwalay na pamahalaan ng Pilipinas.


At noong Disyembre 1903 ay nagawa ni Artemio ipuslit ang sarili at sumakay sa isang barko na ang pangalan  ay “Wenshang” at bumaba ng Maynila na hindi natutuklasan ng mga Amerikano. Siya’y muling nadakip ng  mga Amerikano noong 29 ng Mayo 1904 sa isang sabungan sa bayan ng Mariveles, Bataan. At noong gabi rin yaon siya ay isinakay sa “Carmen” isang barkong “coastguard” papuntang Maynila.


Mula Hulyo 1900 hanggang Enero 1901 siya ay ikinulong sa bilangguan sa kalye Anda sa Intramuros at pagkatapos sa punong himpilan ng konstabularya na dating “Oriente” Hotel sa tabi ng simbahan ng Binondo  hanggang 1904. Mula 1904 hanggang 1910 siya ay kinulong sa Bilangguan ng Bilibid. At noong Hunyo 26,  1910 siya ay ipinatapon muli sa Hongkong. 

Mula Hulyo 1, 1910 hanggang noong 1915 si Artemio ay nanirahan sa isla ng Lamal sa Hongkong. Mula dito siya ay pumunta patungong Yokohama sa bansang Hapon. 

Nang sinakop ng mga Hapon ang Pilipinas ay bumalik si Vibora ngunit ng maganap ang pagbabalik ng mga  Amerikano si Artemio ay kasama ng mga Hapon na tumakas patungong Norte ng Luzon. Si Artemio ay nagkasakit ng disenteriya na naging sanhi ng kanyang kamatayan noong Hulyo 31, 1945 sa Kalinga, Mountain Province.
KASAYSAYAN
WILLY B. PAÑGILINAN│Operation Exposé Vol. 10 Blg. 01 July 15 - July 21, 2012







1 comment: