BLG.

Cavite Expose │ TAPAT, MATINDI SA BANAT │ PCSO Lotto ResultsFOREX SMTop MoviesABOUT USHeadline MakersArchivesAdvertise with Us
ARCHIVES Vol.10 Blg. 12 Vol. 10 Blg. 13 │ Vol. 10 Blg. 14 │ Vol. 10 Blg. 15 │ Vol. 10 Blg. 16 │ Vol. 10 Blg. 17 │ Vol. 10 Blg. 18 │ Vol. 10 Blg. 19 │ Vol. 10 Blg. 20 │ Vol. 10 Blg. 21 │ VOL. 10 BLG. 28

Hirap na Walang Kaparis, sa Tuwing may Sinusitis

CAVITE HEALTH WATCH- TAG-ULAN na naman! Marahil ay nasanay ka na sa mga sakit na kaakibat ng panahong ito tulad ng ubo, hirap paghinga, at sipon. Lahat ng ito’y pwedeng mauwi sa isang sakit na tinatawag na “sinusitis”. Ngunit ano
nga ba ang sinusitis at ang lunas dito?

Ang “sinuses” ay mga espasyo sa mga buto sa paligid ng ilong na may lamang hangin. Ang sinusitis naman ay ang pamamaga ng bumabalot na laman sa loob ng mga sinuses na tinatawag na “mucous membrane”. Kapag namaga ang mga ito ang mga sinuses ay napupuno ng nana (pus) at sipon (mucus). Ang sinusitis ay maaaring
bunga ng bacterial o viral infection. Mayroong apat na butas (space) sa loob ng buto ng bungo na bahagi ng  drainage system ng ulo. Ang mga sinuses na ito ay matatagpuan sa mata (frontal sinuses), sa tabi ng ilong; sa loob ng cheekbones (maxillary sinuses); sa likod ng tulay ng ilong (sphenoid sinuses) at sa taas na bahagi ng ilong (ethmoid sinuses). Ang frontal at maxillary sinuses ang kadalasang nauugnay sa pagkakaroon ng sinusitis. Kung ang sinuses ay masyadong maliit o hindi makayanan ang dami ng nagagawang  mucus, maaaring magbara ito.

Ang pressure sa loob ng sinuses ay lumalala kung kaya nagdudulot ito ng pananakit. Ang sinuses na nananatiling barado ng mahabang panahon ay maaaring pagmulan ng impeksyon. Ang  sinusitis  ay maaaring  grabe (acute) o pabalik-balik (chronic). Ang acute o grabeng sinusitis ay madalas na dulot ng bacteria o viral infection ng ilong, lalamunan at upper respiratory tract tulad ng simpleng sipon. Ang bacteria ay nagiging sanhi ng 50% ng lahat ng kaso ng sinusitis. Ang chronic o palagiang sinusitis ay maaaring sanhi ng mga maliliit

na tumutubong laman sa loob ng ilong (nasal polyps), pinsala sa nasal bones, paninigarilyo at exposure sa mga nakakairitang usok at amoy. Ang “allergic” sinusitis naman ay maaaring sanhi ng mataas na lagnat o mga allergies sa pagkain, laong-lalo na sa allergy sa gatas at dairy products. May mga taong maselan ang resitensya (immune system) at madaling kapitan ng “fungal” sinusitis isang potential at mapanganib  na kundisyon na nangangailangan ng agresibong gamutan. Kapag may palagian at pabalikbalik na impeksyon ng mga sinuses, ito marahil ay sanhi ng mga airborne pollutants na mas mahirap gamutin.

Ang dumaraming insidente ng sinusitis ay maaaring sanhi din ng mga pagkaing nakapagpapabara at nakapagbibigay ng mucus tulad ng asukal, tinapay, keso at mga pritong pagkain. Kasama na rito ang nababawasang  immune  system  ng katawan at ng mucous membrane mula sa mga nalalanghap ng kemikal. Ang kakulangan ng nutrisyon ay maaaring magpahina sa ating resistensya at maaaring may malaki ring papel sa maraming kaso.


Mga sintomas.
Matapos ang mga unang araw ng sipon, ang pagbabara sa ilong ay maaaring lumalala para ibayong maglabas ng mga berdeng fluid o sipon.
Sa kalaunan, dahil ang mga daanan sa pagitan ng ilong at ng sinuses ay nagbabara, ang pagpapalabas ng sipon ay tumitigil. Kailangang huminga sa pamamagitan na lamang ng bibig. Ang pagsasalita ay parang nanggagaling sa ilong. Maaari ding magkaroon ng sakit sa ulo o isa sa magkabilang mata. Ang mga sintomas ng sinusitis ay kinabibilangan ng lagnat (karaniwang mababa subalit mataas sa ibang kaso), ubo, pananakit ng tainga, pagkirot ng ngipin, pananakit ng mukha at ulo, hirap sa paghinga, kawalan ng pang-amoy at panghihina ng katawan, Bahagyang pisilin ang noo, ang cheekbones o ang bahagi sa paligid ng ilong at kung maramdamang ito ay masakit, ang sinuses ay maaaring may impeksyon. Kung ang ethmoid sinuses ang apektado, ang ibabang talukap ng mata ay maaaring mamaga, lalo na pagkagising sa umaga.

Ang mga panganib na hatid ng sinusitis ay maliit lamang kung magagamot ng antibiotics. Kung hindi agad malalapatan ng tamang antibiotics, ang impeksyon ay maaaring lumaganap sa mucous membrane ng sinuses patungo sa buto at maging sa “meninges” (ang tatlong membranous layers na nagbibigay proteksyon sa utak  at sa spinal cord) o sa utak mismo.


Tulong-pansarili. Manatili sa loob ng bahay, sa isang kwarto na may tamang temperatura. Dagdagan ng moisture ang hangin sa tulong ng isang vaporizer o humidifier upang guminhawa ang paghinga at maisaayos ang paglabas ng sipon.

Suminga ng bahagya lamang gamit ang tissue paper. Uminom ng maraming fluids at gumamit ng nasal decongestant drops o spray. Maaaring makatulong kung nakataas ang ulo o ang paggamit ng dagdag na unan sa pagtulog sa gabi. Narito pa ang ilang rekomendasyon na maaari ninyong gawin:
• Uminom ng maraming tubig (lagpas 10 baso sa isang araw) at fruit juices.
• Tanggalin ang asukal sa inyong diet.
• Bawasan ang pagamit ng asin.
• Kumain ng sariwang gulay at prutas.
• Iwasang kumain ng dairy foods, maliban sa low-fat soured products tulad ng yogurt at cottage cheese. Ang mga dairy products ay nagdaragdag ng plema (mucus formation).
• Subukan ang steam inhalation upang maisaayos ang drainage sa ilong at mabigyang ginhawa sa pressure.
• Mag-apply ng warm compress o ice pack upang guminhawa ang pananakit. Alamin kung alin ang mas mabisa para sa inyo.
• Huwag manigarilyo at iwasan ang second hand smoke.
• Iwasan ang pwersahang pagsinga. Maaaring mapuwersa ang mucus pabalik sa sinus cavities. Sa halip, suminghot ng bahagya para malagay ang sipon sa lalamunan at saka idura.


CAVITE HEALTH WATCH
By: EDWIN POBLETE M.D. │ Operation Eposé Vol. 9 Blg. 47 June 03-June 09, 2012 issue





3 comments: