BLG.

Cavite Expose │ TAPAT, MATINDI SA BANAT │ PCSO Lotto ResultsFOREX SMTop MoviesABOUT USHeadline MakersArchivesAdvertise with Us
ARCHIVES Vol.10 Blg. 12 Vol. 10 Blg. 13 │ Vol. 10 Blg. 14 │ Vol. 10 Blg. 15 │ Vol. 10 Blg. 16 │ Vol. 10 Blg. 17 │ Vol. 10 Blg. 18 │ Vol. 10 Blg. 19 │ Vol. 10 Blg. 20 │ Vol. 10 Blg. 21 │ VOL. 10 BLG. 28

Gervasio E. Pangilinan y Reyes (1876-1945)

KASAYSAYAN
Unang Istoryador at Rebolusyonaryong Kabitenyo.
Ang buhay ni Gervasio Pangilinan ay punung-puno ng kasaysayan ng lumipas na panahon. Ang kanyang pagsusulat ay katulad ng isang makata na ang puso’y nasa sinusulat. Sa kanyang kompesiyon na ang kanyang  layunin sa paggawa ng aklat ay “para makapaghandog man lamang kahit isang butil na buhangin sa  dakilang kasaysayan ng ating nakaraan.” Upang maging batayan ng ating hinaharap at ipakita  sa kabataan  kung ano ang naihandog nang ating ninuno para sa ating posteridad. Sinabi niya na “kung ang aklat na  kanyang sinulat ang “La Historica Cavite” sa anumang pamamaraan ay makatulong sa kanyang pamayanan, bayan at probinsiya ay magiging isang  kasiyahang-loob hanggang sa kabilang buhay. Aking gugunitain paulit-ulit ang alaala ng aking mga magulang sa pag-aaruga at pagpapalaki sa akin na isang mapapakinabangang tao.”

Si Gervasio ay ipinanganak sa barrio sa Rosario sa bayan ng San Roque, Kabite na ngayon ay lungsod ng Kabite. Noong ika-19 ng Hunyo taong 1876, sa mag-asawang mahirap na sina Doroteo Pangilinan at Nicolasa Enriquez. Siya lamang ang lalaki at ikaapat sa limang magkakapatid.

Ang kanyang lolo ay isang eskribyente sa “Marina Española” at nagretiro na isang opisyal. Ang kanyang ama
ay isang karpintero sa “Varadero de Manila” sa Cañacao at sa arsenal ng Kabite. Ang kanyang ama ay isang “Cabeza de Barangay at Teniente del Barrio.” 

Nang anim na taon ay nakapag-aral na at ang kanyang mga guro ay mga eskribyente ng Arsenal ng Kabite noong 1887 nag-aral sa mataas na paaralan ni Jose Basa y Enriquez sa gulang na labing-isang taon. Ngunit nahinto dahil sa kanyang amang nagkasakit ng beriberi mula sa isang puwerto sa Balabac, Mindanao. Dahil sa kahirapan siya’y napatigil sa pag-aaral at siya’y naglalako ng puto at bibingka sa umaga at hapon. Ito’y nakalagay sa isang bilao at pasan niya sa kanyang ulo at inilalako niya sa daan ng Kabite Puwerto. At noong Hunyo ng taong 1890, nagaral muli sa mataas na paaralan ng abogadong si Anastacio Pinson y Jose. Palagi siyang nahuhuli sa klase dahil sa pagtitinda. Libre ang kanyang pagaaral sa unang taon sa Latin. Pinagkakalooban niya ng bibingka tuwing linggo ang kanyang propesor.

Itinuloy niya ang kanyang pag-aaral sa ikalawang taon sa mataas na paaralan sa Kolehiyo ng San Juan de Letran sa Maynila. Siya ay nasuspinde sa pagkuha ng pagsusulit kaya’t siya ay bumalik ng Kabite. Taong 1893 siya ay nagtrabaho bilang aprendis na walang bayad sa ospital ng Cañacao. At naging katulong ng “Topiquero” na si Evaristo de Castro na may suweldong isang piso bawat buwan. Ang kanyang tiyong si Hugo Enriquez ay kaibigan ng administrador ng pananalapi na si Gonzalo de Vargas at pinakiusapan na gawin siyang permanente sa ospital, pero hindi niya nakuha dahil napakabata pa niya.

Noong Setyembre ng taong 1894, siya ay nag-enrol sa “School of Minor Surgery” sa Unibersidad ng Santo Tomas. Dahil sa gusto niyang matupad ang pangarap ng kanyang ama. At dahil sa ang kanyang kaibigan na si
Benito Gallardo na isang dispatsador sa botika ni Victoriano Luciano, na nakapagtapos ng pagaaral ng parmasya ay ipinagkaloob sa kanyang lahat ang mga kuwaderno sa kanyang pag-aaral. Dahil sa walang opisyal na aklat-pampaaralan sa kursong yaon. Dahil sa mga ito kaya ang kanyang kinuhang kurso ay parmasya at ito naman ang kanyang hilig.

Pinagkalooban ni Jose Ma. Ruiz Moro, ang parmaseutiko ng ospital ng Cañacao ng isang rekomendasyon para sa kemis (Chemist) ng Munisipalidad ng Maynila na si Juan Casanova. Binigyan din siya ni Juan Casanova ng rekomendasyon para sa dekano ng kolehiyo na si Tomas Torres y Perona para di makasama sa pagdalo sa mga pagkaklase dahil siya ay empleyado ng ospital ng mga marino sa Cañacao. Pinayagan namna siya ng dekano ng Kolehiyo. Noong Setyembre taong 1895, siya’y binigyan ng eksamen sa pamamagitan ng pagtatanong at ang lahat ng ito’y kanyangnasagot. Pinagkalooban siya ni Jose Torres y Perona ng gradong “sobresaliente” o magaling. Siya’y binati ng dekano.

Pinuntahan kaagad niya ang kanyang ama na nagtatrabaho sa parola ng Maynila at ito’y tuwang-tuwa. Binili siya ng kanyang ama ng isang pares ng sapatos. Noong 30 ng Agosto taong 1896 dineklara ang batas militar sa Kabite. Ang kanyang ama ay galing sa Maynila at dala ang balitang ang kanyang bayaw na si Juan Florentino y Vega ay nahuli at nakulong sa kuta ng Santiago, katabi ng selda ni Jose Rizal. Kinabukasan siya ay nagpunta ng Maynila upang mag-eksamen sa Kolehiyo. Siya ay nakapasang muli. Siya ay umuwi ng Kabite, 4 ng Setyembre, sumakay sa biyaheng ika-2 ng hapon sa barkong “Caviteño.” Sa daungan sa Kabite ay nakita niya ang kanyang ina at mga kapatid. Kasama niya sa biyahe ang kanyang ama.
Pagbaba sa pantalan siya’y dinakip ng artilyerongpeninsular dinala sa gobyernong gusali at ikinulong at sinabing maghubad.
Inieksamen ang buo niyang katawan at ang mga gasgas. Tinanong kung saan niya nakuha ang mga yaon. Sinabi niya bilang lalaki siya ay nasugatan ng matulis na kawayan sa kanyang labi dahil sa siya’y nalaglag sa kawayang tulay sa barrio San Antonio kasama ang kanyang kaibigang si Pedro del Rosario, noong bago magdeklara ng giyera ang estado. Tinanong kung bakit siya galing sa Maynila. Sumagot siya sapagkat siya’y kumuha ng eksamen sa kolehiyo at umuwi sapagkat dito siya naninirahan. Nasiyahan sa kanyang sagot kaya’t siya ay pinalaya. Nang ilang araw siya ay papasok sa Porta Vaga, siya ay pinahinto ng isang bantay na opisyal at tinanong kung ano ang trabaho. Ang sabi niya’y isa siyang estudyante. Bakit ganyan ang pagkasuot mo ng iyong sombrero? At ‘di mo alam na ganyan ang mga katipunero? Sagot niya’y hindi, binili niya iyon sa Maynila sapagkat iyon ang uso. 
Siya ay pinayagan makauwi ngunit sinabing huwag nang gamitin ang kanyang sombrero. Noong ika-16 ng Nobyembre 1896 nakapasa siya at natapos na niya ang kanyang pagaaral. Nagpakuha ng larawan at binayaran ang diploma.

Mula Setyembre 1, 1897 siya’y natanggap bilang ikalawang sarhento at nakauniporme ng praktikante ng Armada Española at nakadestino sa ospital ng Armada hanggang siya’y magbitiw sa tungkulin noong 24 ng Abril 1898.
Noong Mayo 8 ng taong 1898 siya ay sumapi sa mga rebolusyonaryo at nagserbisyo sa San Juan de Dios ospital ng mga naghihimagsik. Kung saan-saan labanan siya nadestino bilang kabilang sa mga manggagamot. Nahuli ng mga amerikano sa Pasong Kawayan kasama si Julian Eulalio at sa kiskisan ni kapitan Yno nakulong ng 2 araw. Makaraan ng dalawang araw ay nailigtas. Itinaas ni Heneral Mariano Trias ang ranggo bilang “Primer Teniente de Sanidad.” Nakipaglaban sa mga amerikano. Siya ay isang beterano ng Rebolusyon laban sa mga kastila at amerikano mula 1898 hanggang 1900. 

At kanyang sinabi:
“Nawa’y sa darating na panahon ay maala-ala ang mga taong nakipaglaban at gumawa sa pagiging malaya ng ating Inang Bayan Pilipinas.”

Sa pagiging parmasiyutiko niya, siya ay nadestino sa mga bayan ng Maynila, Pampanga, Bataan, Laguna at Olongapo. Itinatag niya ang kanyang botika na ang pangalan ay “Farmacia  Pangilinan”  noong Hulyo ng taong 1918.

Siya’y naging kasapi ng “1st Magna assembly” ng “Medical Pharmaceutical College, Manila” noong 1911 at naging kasapi rin siya sa “Regional Assembly of Doctors and Pharmacists” sa Maynila noong 1912. Naging espesyal na ahente ng Senso ng Munisipalidad ng Kabite.

Sa pagiging opisyal ng bayan siya ay naging  konsehal noong 1911.
Naging  Bise Presidente Munisipal o Municipal Vice Mayor 1912 at
Presidente Municipal o Municipal Mayor noong 1919 hanggang 1922. Siya ay nahalal bilang presidente ng Liga ng mga Presidente Municipal o “Municipal Mayor s  League” noong 1919. At sa pagiging  alkalde niya ito ang kanyang sinabi: “Tungkulin ng bawat mamamayan na maglingkod sa bayan at gumawa para sa ikauunlad at ikabubuti ng mga mamamayan. Siya ay hindi dapat mag-isip na kumita o kaya’y tumanggap ng mga transaksiyon  at magkaroon ng pagpipigil sa sarili sa lahat ng oportunidad sa  kanyang  katungkulin saan unang ipinagkakaloob o ‘di magi ng isang popular-kasiraang dangal at makita ang kanyang sarili na hiyain sa harapan ng mga taong bumoto at nagtiwala sa kanya.”

Siya ay kasapi sa Mason ng Lohiya Bagongbuhay bilang 17 at sa Confederacion de los Caballeros Libres del Oriente. Siya ay isang magaling na parmasiyutiko. Ang kanyang botika na nasa ibaba ng bahay ni  Doña  Gavina Raquel ay isang lugar tagpuan (rendezvous) ng mga prominenteng Kabitenyong tulad nina Ladislao Diwa, Julian Felipe, Jose Adriosola Reyes, Jose Salamanca, Francisco Castro, Ramon  Samonte, Francisco Advincula at marami pang iba.

Siya ay may tatlong anak na lalaki
kay Pascuala Herrera na sina Juan, Ilde at Rizal. Siya ay namayapa sa edad na 69 taon. Inilibing sa Sementeryo Munisipal (ngayo’y City Cemetery). Siya ay pinarangalan  ng Cavite City Jaycees noong 1975 dahil sa pagsulat niya ng aklat “La Historica Cavite” (Historic Cavite) noong 1926. Noong taong 2000, ipinangalan sa kanya ang bulwagan ng Cavite City Library Museum na Bulwagang Alkalde Gervasio E. Pangilinan ng Pamahalaan ng Siyudad ng Kabite, sa pamumuno ni Mayor Tim O. Encarnacion. At ang huli’y noong Hulyo 13 taong 2001, pinarangalan siya bilang “ Revolutionist and Historian” ng Cavite Studies Center ng De La Salle University - Dasmariñas, Cavite Historical Society, Cavite City Government at ng Office of the Governor, Probinsiya ng Kabite. At ang kanyang sinulat na aklat ang “ La Historica Cavite” ay napalimbag at nais alin sa ingles noong 2001 sa tulong ng Cavite Historical Society sa pamumuno ng dating Prime Minister Cesa EA Virata.


Ika-136 na taon kaarawan ng kapanganakan Gervasio Pangilinan y Enriquez 19 Junio 1876-2012.
KASAYSAYAN
By: WILLY B. PAÑGILINAN │Operation Eposé Vol. 9 Blg. 49 June 17-June 23, 2012 issue


1 comment:

  1. Gusto mo ba ng online work?
    Earn while you enjoy time with your Family & Lovedones!
    Email me: tirada_uno_23@yahoo.com / tiradauno@gmail.com / n.helphelphelp@gmail.com
    Contact Number: 09465046302
    For more details, kindly visit http://www.unemployedpinoys.com/

    ReplyDelete